Bangungot

by wynmart10
BIYERNES. Agosto trese, ginabi ng pangangahoy sa bundok si Ismael. Sa pag—uwi ay nakasalubong siya ng isang dambuhalang itim na pusa. Kumikislap sa liwanag ng buwan ang litaw na litaw na mga pangil at nagbabagang mga mata nito. Waring nagbabadya ng walang pangalawang lagim.

Sumingasing ito at biglang nilundag si Ismael na mabilis naman nakaiwas. “Hups!”

Palibhasa’y likas sa lalaki ang katapangan at dahil na rin sa kapangyarihan nang anting—anting, ipinasya niyang lumaban. Maliksing hinugot ang matalas na itak. Naging motto na niya ang mamatay na lumalaban!

At nang muli siyang salakayin ng dambuhala ay sinalubong niya ito ng malakas nataga sa ulo. Pero halos hindi nito ininda iyon. Nangalisag ang mga balahibo ng malaking pusa sa galit. Itinodo ang haba ng mga kuko upang gutay-gutayin ang matapang na lalaki.

Sinalag ni Ismael ng taga ang kalmot ng dambuhala pero tinalo siya ng malakas na puwersa niyon. Bagsak siya sa damuhan.

Sinunggaban siya nito pero pailag siyang nakagulong. Tumayo siya. Bumira ng takbo.

Nasulyapan niyang umigpaw ang dambuhala. Bigla siyang huminto at humarap. Dalawang kamay na itinaas ang itak sabay yuko, kaya’t nahiwa ang tiyan ng pusa sa dulo ng itak.

Halatang ininda iyon ng dambuhala, at sinamantala ni Ismael ang pagkakataon. Walang habas na taga ang ginawa niya sa mukha nito hanggang sa tumalsik ang isang mata.

Nagpasyang tumakas ang dambuhala. Sa isang mapuwersang igpaw ay kaagad naglaho sa paningin ni Ismael.

Kinabukasan, ikinuwento niya sa mga kainuman ang naging karanasan. Pinagtawanan lang siya ng mga ito. “Dambuhalang itim na pusa raw,” anang isa. “Ang sabihin mo, dambuhala ang kayabangan mo!”

“Totoo ang sinasabi ko, Canuto! Muntik na nga akong mamatay sa dambuhalang iyon, e.”

Lalong lumakas ang tawa ni Canuto. Halos maluha na ito sa pagtawa.

Hindi na nakapagpigil si Ismael. Binatukan si Canuto; “Kung ayaw n’yong maniwala, huwag!”

“E, sino ba naman ang basta—basta maniniwala sa ikinukuwento mo, Ismael,” anang isa pa. “Kung may maipakikita kang ebidensiya sa ‘min, maniniwala kami,”

“Ebidensiya pala, ha?”

Noon din ay nagtungo Si Ismael sa lugar na pinaglabanan nila ng dambuhalang itim na pusa. Tanda niya’y may naputol na mga balahibo nang pagtatagain niya ito sa mukha. Ang mga iyon ang ipakikita niyang ebidensiya sa mga kabarkada. Pero kahit isa’y wala siyang makita. Sa huli ay naisip niyang natangay marahil iyon ng hangin.

“Tila may hinahanap ka, amang,” anang boses sa likuran ni Ismael.

Isang ermitanyo ang kanyang nalingunan.

“Ano’ng hinahanap mo?” ulit ng matanda.

“Naghahanap ho ako ng balahibo ng dambuhalang pusang-itim na nakalaban ko kagabi. Gagawin kong ebidensiya,” tugon niya rito.

Tumalim ang mukha ng ermitanyo.

“H-hindi rin ‘ata kayo naniniwalang may nakalaban akong dambuhalang pusang itim, e.”

Isang mahinang payat na pusang itim ang lumapit sa ermitanyo. Kinuha ito at hinimas-himas ng matanda, “Ikaw pala ang muntik nang pumatay dito‘ sa alaga ko.”

Napatawa nang malakas si Ismael. “Tatang, itim na pusa nga ho ang nakalaban ko, pero dambuhala. Hindi ko ho papatulan ‘yang pusa n’yo’. Sus maryosep naman hikain pa ho ‘ata ‘yan, e.”

Pero biglang kinabahan si Ismael nang mapagmasdang wala ang isang mata ng pusa. Lalo siyang kinabahan nang sabihin ng ermitanyo na: “Wala akong panahong makipag-usap sa ‘yo … magkita na lang tayo sa kabila ng realidad!”

May gumapang na kilabot sa katawan niya.

Hindi makatulog si Ismael nang gabing iyon. Alumpihit siya. Balisa.

Magkita na lang tayo sa kabila ng realidad.

Paulit-ulit na umaalingawngaw sakanyang pandinig ang mga salita ng ermitanyo. Kahit anong tuon niyang isip sa ibang bagay ay balik nang balik ang binitiwang mga salita ng matanda.

Malalim na ang gabi nang igupo siya ng antok. At sa pagkawala ng kanyang diwa sa realidad ay nasumpungan niya ang sarili sa isang misteryosong lugar.

Pumailanlang ang malakas na halakhak ng ermitanyong nakatayo sa malaking bato. “Malagim na pagdating sa daigdig ng bangongot, amang!”

Noon nabatid ni Ismael ang ibig ipahiwatig ng ermitanyo. Pinilit niyang gumising pero hindi niya magawa. Hanggang sa mamalayan na lang niya na ilang grupo ng mga nakapangingilabot na kampon ng dilim ang papalapit sa kanya.

Wala siyang pagpipilian kundi ang tumakbo. Nadapa siya sa pababang daan. Nagpagulung-gulong.

Parang pelikulang papalit-palit ang malalagim na eksena sakanyang bangungot. Ngayon naman ay tinutugis siya ng daan-daang pugot na mga ulo na may matatalim na pangil. Wala siyang ginawa kundi ang tumakbo.

Sa realidad, tirik na ang araw. Isang albularyo ang pumapasok sa bahay nina Ismael. Ipinatawag ito ng kanyang asawa. “Hindi raw magising ang asawa mo, Anna,” anang albularyo nang salubungin ng babae.

“Oho, Tata Arias,” umiiyak na tugon ng asawa ni Ismael. “Kaya nga ho ipinatawag ko kayo.” Si Tata Arias ay ang pinakamagaling na albularyo sa kanilang lugar. Matapos pulsuhan si Ismael ay napailing ito.

“Ikinulong siya sa bangungot ng isang engkanto, Anna.”

“A-ano ho ang dapat nating gawin?”

Sa bangungot ni Ismael, lakad-takbo siya. Tahimik na tahimik ang paligid. Pero parang nag-aabang lang ang panganib.

Walang anu-ano nga’y nagsulputan mula sa ilalim ng lupa ang mga mandirigmang kalansay. Isa ang mabilis na tumaga kay Ismael. Nahagip siya sa balikat.

Sa realidad, bigla na lamang pumulandit ang dugo sa balikat ng natutulog na si Ismael. Napatili si Anna.

“Kumuha ka ng isang palangganang tubig, Anna! Bilis!” utos ni tata Arias.

Inorasyunan ng albularyo ang tubig sa palanggana at pagkatapos ay ipinatong ang isang palad sa noo ni Ismael.

Parang sine na nakita ng albularyo sa tubig ang nagaganap sa bangongot ni Ismael.

“Napapaligiran siya ng mga mandirigmang kalansay! Kuhanin mo ang itak ni Ismael, Anna!”

Mabilis na kinuha ni Anna ang itak ni Ismael at iniabot kay Tata Arias. Inilagay ni Tata Arias ang itak sa kamay ni Ismael.

“Bakit po? Para saan iyan…?” usisa ni Anna.

“Iyan ang magiging sandata ni Ismael laban sa mga mandirigmang kalansay,” anang arbularyo.

Sa bangungot ni Ismael ay bigla siyang nagkaroon ng hawak na itak. Buong bangis siyang nakipaglaban sa mga kalansay. Lumilipad at gumugulong sa lupa ang ulo ng bawat mandirigmang kalansay na tinatamaan ng talim ng kanyang itak.

“Kapag nagwagi si Ismael sa kasalukuyang eksena ng kanyang bangungot ay magigising siya” ayon kay Tata Arias. “Ipanalangin natin ang kanyang tagumpay.”

Sabay na lumuhod at nanalangin sina Tata Arias at Anna.

Ang panalangin nila at ang hangarin ni Ismael na mabuhay pa ang nagtulak sa kanya sa tagumpay. Iginawad niya ang kamatayan sa pinuno ng mga mandirigmang kalansay. Nahati ito sa dalawa nang todong lakas niyang tagain mula ulo na naglagos hanggang sa katawan.

Nagising si Ismael. Hapung-hapo. Uhaw na uhaw.

“Haah! Haah!” hingal niya.

“Anna! Kumuha ka ng inumin!-” utos ni Tata Arias.

Nang makainom at mahimasmasan si Ismael ay nag-usap sila ni Tata Arias.

“Ang ermitanyong sinasabi mo ay isang engkanto,” paliwanag ng albularyo. “May alaga siyang pusang itim na nagiging dambuhala tuwing Biyernes trese ng gabi. Iyon ang nakasagupa mo. Nakatira ang ermitanyong iyon sa ilalim ng matandang punong balete sa bundok.

Magdilihensiya ka ng siyam na pusang itim. Iaalay natin sa kanya ang dugo ng mga iyon kapalit ng kalayaan mo sa kanyang poot.” Nang maisagawa nga nila ni Tata Arias ang pag-aalay ay nilubayan na siya ng engkanto.

Nadaanan ni Ismael na nag-iinom sa harap ng tindahan ang kanyang mga kabarkada.

“Ismael. Halika! Barik tayo,” yaya ni Canuto.

Lumapit siya sa mga kabarkada. “O, ano, nakakita ka ba ng ebidensiya ng ipinagyayabang mong dambuhalang pusang itim?” ngisi at tila nakakalokong ungkat ni Canuto.

Hindi umimik si Ismael. Pagod na siyang magpaliwanag sa mga ito. Bagkus ay hinugot niya ang kanyang itak. Kumislap iyon sa tama ng sikat ng araw.

Napalunok ang mga kabarkada. “Naniniwala na kami, Ismael,” ani Canuto. “Upo na’t makabarik. Kuwentuhan mo pakami ng sinasabi‘

mong dambuhalang pusang itim.”

At mayamaya’y masaya nang nakikipag-inuman at nakikipagtawanan sa mga kabarkada si Ismael na parang walang pinagdaanang bangungot.

Wakas
Let others and the author know if you liked it

Liked it alot?
FieNd

FieNd

January 28, 2015 - 16:01 Hi there, Could you also add a tag for the language and maybe translate it to English if possible?

Similar posts

Beat the Midnight horrors

Beat the Midnight horrors

by MinPerring90

The name of the Midnight game horrors says it all.

There is nothing more fun than having a great time with your friends playing all round game of the truth or dare game. When you are staying over at each others houses, with each of...

Blood May Not Be Red.

Blood May Not Be Red.
by nelson c.j

A chilling flash fiction story, Enjoy and share.

The One Who’s Ignored

The One Who’s Ignored

by DanielRGarbo

The battle with in is always the hardest to win.

Shadows

Shadows
by Teddy Kimathi

Four students head for a research trip in Congo, Africa. Their expedition is cut short by a strange occurrence.

Ghost From The Past

Ghost From The Past

by tinnn28

I'm currently walking down the school hallway.

I was walking cheerfully whilst humming like a child. I was doing it all along when a loud "blag!" has echoed in the whole area....

Or-gum; Or-gum Pt 2

Or-gum; Or-gum Pt 2
by DavidBokolo

Do not stop till you get to the last page of this Or-gum; Or-gum series. it is hilarious but its is also scary; very very scary.